Victor Nagawang (Ka Lean)
31, Sept. 20, 2017
Kilala rin sa mga pangalang Ka Jona at Ka Rio si Victor Nagawang (Ka Lean), mula sa uring manggagawa, na lumaki sa Maynila. Bata pa lamang, tulad ng katulad niyang anakpawis, ay nagsimula na siyang sumabak sa iba’t ibang trabaho upang matustusan ang kaniyang pag- aaral.
Sa tulak ng paghahanap-buhay, nakarating siya sa Pampanga at doo’y naging manggagawa sa pabrika at sa sektor ng serbisyo. Noong 2013, sa isang maralitang komunidad naorganisa si Ka Lean sa Anakbayan. Dumalo siya sa mga pampulitikang pag-aaral at kilos-protesta hanggang sa magpasiyang maging pultaym na organisador ng kabataan at nang lumaon ay ng mga manggagawa.
Lalong nahasa ang kanyang paninindigan at husay sa pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa. Ilang taon makalipas, nagpasiya siyang sumampa sa BHB pagsapit ng 2015. Sa loob ng yunit ay masigasig siyang gumampan bilang giyang pampulitika at medik. Naging katuwang rin siya ng komite ng Partido bilang isang mahusay at matapat na Partidista.