Joel Manangan (Ka Lucio)
40, Sept. 20, 2017
Si Joel Manangan (Ka Lucio), 40 taong gulang, ay kilala rin sa mga pangalang Ka Rasul, Ka George, Ka Turing, Ka Rene, Ka Arman, Ka Vergel at Ka Josep. Siya ay nagmula sa pamilya ng maralitang magsasaka ng Cuyapo, Nueva Ecija.
Taong 2000 ay naugnayan siya ng hukbong bayan at nagsimulang mabigyan ng ilang gawain. Noong 2001 ay lumalim ang kaniyang pag-unawa sa rebolusyon at dahil sa naranasang inhustisya ay nagpasiyang sumapi sa BHB.
Mula sa masikhay na paggampan ng tungkulin bilang Pulang mandirigma, naging isang mahusay na Pulang kumander si Ka Lucio. Naging bahagi siya ng namumunong komite ng Partido sa larangan at masigasig na nagpursige sa pagpapanibagong-lakas ng kilusan sa erya.
Tampok na pinangunahan niya ang gawaing pagpapalawak sa hanay ng mga katutubong Ilongot (Bugkalot). Hindi siya malilimutan ng mga ito dahil inorganisa niya ang kanilang hanay para labanan ang pangangamkam ng mga dayuhang kumpanya ng pagmimina sa kanilang lupaing ninuno.