Rommel Aguado (Ka Totoy)

36, July 17, 2018

Bago pumasok sa armadong pakikibaka, nagtrabaho si Ka Totoy nang mahigit sampung taon bilang kontraktwal na manggagawa sa isang pabrika ng lubid sa Laguna, kung saan naranasan niya ang pagsasamantala tulad ng mababang sahod at kawalan ng benepisyo. Dahil dito, sumapi siya sa unyon ng manggagawa at lumahok sa mga pagkilos para ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Noong Setyembre 2016, pumasok si Ka Totoy sa isang sonang gerilya sa Quezon at buong puso niyang inilaan ang sarili sa armadong pakikibaka para sa kapakanan ng sambayanan. Kilala siya sa kanyang kasipagan, tiyaga, at hangaring matuto upang mas mapaglingkuran ang bayan. Dahil sa kanyang malambing at masayahing pakikitungo, minahal siya ng mga magsasaka at mga residente na kanyang tinulungan sa araw-araw nilang gawain.

Nasawi si Ka Totoy noong Hulyo 27, 2018, sa isang labanan sa Barangay Montes Kallagan, Atimonan.