Miguel Himor (Ka Billy)
21, May 28, 1996 - July 28, 2017
Bata pa lamang ay aktibo na sa grupo ng kabataan sa kanilang komunidad si Miguel Himor (Ka Billy). Ipinanganak siya noong Mayo 28, 1996 sa Sta. Cruz, Casiguran, Sorsogon.
Sa murang edad ay malinaw na ang pangarap ni Ka Billy na maging Pulang mandirigma. Aktibo niyang ginampanan ang mga gawaing itinakda sa kanya ng Partido habang naghihintay na dumating sa tamang edad para matanggap sa BHB.
Mula sa pagtatrabaho sa Maynila, umuwi siya sa Sorsogon pagsapit ng kanyang ika-18 kaarawan at sumampa sa hukbong bayan noong 2014. Isa si Ka Billy sa mga kabataang hukbo na kinakitaan ng potensyal sa gawaing militar. Pinagagaan niya ang pagharap sa mga sakripisyo sa mga pagpapakwela. Bukod-tangi rin ang disiplinang ipinakita niya sa pagkapit sa prinsipyo ng simpleng pamumuhay at tuluy-tuloy na pagpapanibagong hubog laluna nang maipakat sa gawaing istap ng prubinsya.