Marcos Aggalao (Ka Cliff)
74, Sept. 12, 2017
Si Marcos Aggalao (Ka Cliff/Ka Monroe) ay isang peace-pact holder ng tribung Salegseg, at bahagi ng malawakang kampanya laban sa proyektong Chico River Dam noong panahon ng diktadurang US-Marcos. Nagsilbi siya bilang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Cordillera nooong dekada 1980.
Dinakip siya ng mga pwersa ng estado noong Setyembre 11, 2016 sa kanyang bahay sa Sityo Dalyagan, Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga. Ikinulong siya sa Kalinga Provincial Jail sa kabila ng kanyang edad at sakit na altapresyon, ulser, pulmonya at nagsisimula nang dementia (pagka-ulyanin). Sa panahon ng kanyang pagkadakip, matagal nang nagretiro mula sa hukbong bayan si Aggalao.
Namartir siya noong Setyembre 12, 2017 sa edad na 74-taong gulang sa Intensive Care Unit ng Kalinga Provincial Hospital. Bago ang kanyang pagkamatay, ilang beses siyang naospital dahil sa stroke na pumaralisa sa kalahati ng kanyang katawan. Hanggang sa huling hininga, nanatili siyang matapat sa pambansa-demokratikong adhikain ng mamamayan.