Leonardo Manahan (Ka Zola)
48, April 14, 2017
Isang masiyahin at kung minsan ay may kakulitan na kaibigan, mabuting mag-aaral, mahusay na lider-masa at organisador—ganyan nakilala si Leonardo Manahan (Ka Zola), na kilala sa maraming pangalan sa humigit kumulang isang dekadang paggampan ng iba’t-ibang tungkulin sa kilusan. Tubong Abra si Ka Zola pero nakipagsapalaran sa Maynila at nag-aral ng kursong Political Science sa University of the East-Recto.
Kumilos si Ka Zola bilang lider-masa at propagandista sa League of Filipino Students at College Editor’s Guild of the Philippines, gumampan bilang kalihim ng seksyon sa Polytechnic University of the Philippines at kasapi ng Pambansang Kawanihan ng Kabataan at Estudyante ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Taong 2003 nang buong puso at diwang tinahak ni Ka Zola ang landas ng mga magigiting na Bagong Hukbong Bayan sa larangan ng North Ilocos Sur-South Ilocos Norte-Western Abra. Nahuli siya sa isang labanan sa Uguis, Nueva Era, Ilocos Norte at ikinulong ng kaaway noong 2005 pero nanatiling matatag ang kanyang paninindigang magrebolusyon. Pagkalaya sa kulungan, kaagad ring gumampan ng gawain si Ka Zola.
Mula 2010-2016, naging kagawad siya ng sub-rehiyong kinapapalooban ng Western Mountain Province bilang upisyal sa pulitika ng sentro de grabidad ng subrehiyon. Naging kagawad siya ng komiteng rehiyon mula 2013, at itinalagang Kalihim ng Ifugao nitong huling bahagi ng 2016.
Namartir si Ka Zola nang namatay sa isang sakit sa Barangay Namal, Asipulo, Ifugao noong Abril 14, 2017.