Lanea Lani dela Peña Mirindu (Ka Gom)
36, Sept. 20, 2017
Si Lanea Lani dela Peña Mirindu (Ka Gom), 36 taong gulang, ay kilala rin sa mga pangalang Ka Gwen, Ka Mitchi, Ka Africa at Ka Janet. Siya ay nagmula sa pamilya ng maralitang magsasaka at katutubong Dumagat ng Casiguran, Aurora.
Maaga siyang namulat sa pangangamkam sa lupaing ninuno at diskriminasyon sa mga katutubo’t kababaihan. Bilang kababaihang katutubo, nagpasiya siyang kumawala sa pang-aapi na idinidikta ng lipunan at noong 2001 ay sumapi sa BHB.
Gumampan siya ng tungkulin bilang iskwad lider, giyang pampulitika at punong upisyal ng istap ng kabuhayan sa platun (P4). Kabilang din siya sa namumunong komite ng Sangay ng Partido sa Platun.
Ang kaniyang maningning na pagkilos ay masasalamin sa kaniyang kasigasigan sa pag-aaral sa literasiya-numerasiya, sa kaniyang walang pag-aatubiling pag-terak (pag-sayaw) sa mga gabing pangkultura at sa kaniyang magandang himig na ginamit niya upang imulat ang masa at konsolidahin ang mga kasama.