(Ka Reggie)

Feb. 27, 2017

Iniluwal si Ka Reggie ng pakikibakang masa sa Sityo Patungan, Barangay Mercedez, Maragondon, Cavite laban sa pangangamkam ng lupa ng pamilya Virata sa ngalan ng turismo. Sumampa siya sa hukbong bayan noong Hunyo 2016 matapos lumahok sa isang pagsasanay na inilunsad sa loob ng sonang gerilya.

Tubong-Iloilo, edad 17 ay napadpad si Ka Reggie sa Salinas, Naic, Cavite at doon nanirahan. Sa pagsama-sama sa taksay, narating niya ang Limbones ng Papaya, Nasugbu at doon nanirahan. Noong 2012, lumipat ang kanyang mag-anak sa Sityo Patungan.

Sa Patungan na siya namulat at nahimok sa pagrerebolusyon. Una siyang kumilos sa lokalidad bilang kasapi ng Partido at masiglang lumahok sa mga pakikibakang masa. Noong 2016 nang marahas na gibain ang mga tahanan sa Patungan na ibayong nagmulat sa kanya upang tahakin ang landas ng armadong paglaban.

Sa loob ng hukbo, nagpakita ng kahusayan si Ka Reggie sa inilunsad na pormal na pagsasanay-militar noong Setyembre 2016 at kinakitaan ng potensyal sa pamumuno at mahahalagang gawain ng BHB. Maaalala si Ka Reggie bilang masipag na P4, mabait at mapagbirong kasama. Sa kanyang pagkamartir, gumagampan siya bilang bilang bise iskwad lider.