John Paul Calica (Ka Soc)
21, April 11, 1996 - Sept. 20, 2017
Mula sa uring petiburgesya, lumaki sa Maynila si John Paul Calica (Ka Soc). Nakatapos siya ng kursong BS Computer Science sa kolehiyo kung saan naorganisa siya sa pambansang demokratikong kilusan. Tatlong taon makalipas, saka lamang magiging aktibo sa pagkilos si Ka Soc.
Kasama ang kanyang pamilya, aktibo siyang lumahok sa pakikibaka ng maralitang lungsod sa pag-okupa sa mga bakanteng pabahay sa Pandi, Bulacan. Matapos ang matagumpay na okupasyon, hindi siya tumigil sa pagkilos at higit pang nagpursige bilang lider ng Anakbayan sa Pandi. Kinakitaan siya ng husay sa gawaing propaganda at sa pakikisalamuha sa masa at mga kasama.
Kasabay ng kanyang pagsumpa bilang kasapi ng Partido ay nagpasiya na siyang sumapi sa BHB. Sa loob ng yunit ay kinakitaan siya ng interes at pagpupursige na matutunan ang maraming gawain. Masigla rin siya sa paglahok sa gawaing pangkultura.
Bagamat mula sa uring petiburges, hindi siya kinakitaan ng pagmamataas bagkus ay larawan ng pagtataguyod ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Hindi siya malilimutan ng masa sa baryo dahil sa masigla niyang pagpupropaganda at masipag na paggampan sa mga gawaing bahay.