Ka Inyong_Guiller Cadano

Guiller Martin Cadano (Ka Inyong)

26, Sept. 20, 2017

Nagmula sa uring petirbugesya si Guiller Martin Cadano (Ka Inyong) na tubong Bulacan. Bago naging kasapi ng hukbong bayan noong huling bahagi ng 2016, nagsilbi siya bilang lider-estudyante sa Pampanga, naging organisador ng mga magsasaka sa Nueva Ecija at matapang na katuwang ng masang anakpawis sa kanilang mga pakikibaka.

Nagtapos siya ng kursong BA Psychology sa UP Diliman Extension Program sa Pampanga kung saan rin siya naging kasapi ng Pi Sigma Fraternity at naging tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS)-UPDEPP noong 2011. Noong 2012, nagsilbi siyang tagapangulo ng Kabataan Partylist-Central Luzon.

Noong 2013, naging pultaym na organisador siya ng Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon (AMGL). Dahil sa pag-oorganisa sa mga magsasaka, dinukot siya ng mga pwersa ng estado noong Agosto 9, 2014 sa Brgy TL Padilla, Carranglan, Nueva Ecija. Pinaratangan siya ng gawa-gawang kaso at sa loob ng dalawa’t kalahating taon ay matatag siyang nakibaka sa loob ng kulungan upang ikampanya ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.

Tuluyang naibasura ang kasong isinampa sa kanya noong Disyembre 2016 at pagkalaya ay sumampa sa hukbong bayan. Sa loob ng BHB ay masigasig niyang ginampanan ang pagiging giyang pampulitika, guro sa programang literasiya at numerasi, at medik. Ginamit niya ang kaniyang husay sa pag-awit sa pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryong kanta at nanguna siya sa pagtatayo ng pangkulturang grupo sa yunit ng hukbo.