Ka Abe_Emmanuel Canlas

Emmanuel Canlas (Ka Abe)

18, July 12, 1999 - Sept. 20, 2017

Mula sa pagsisilbi bilang bahagi ng network ng hukbong bayan, pasabilis, pultaym na organisador ng Kabataang Makabayan at kalaunan Pulang mandirigma ng BHB, buong sigasig si Emmanuel Canlas (Ka Abe) sa paggampan sa kanyang mga tungkulin. Si Ka Abe ay mula sa uring magsasaka mula sa probinsya ng Capas, Tarlac.

Bilang panganay sa magkakapatid, tumayo siyang ikalawang magulang ng mga ito at nagtrabaho bilang manggagawang-bukid. Kahit menor-de-edad pa lamang, naranasan niyang maging sakada sa taniman ng tubo kung saan kakarampot lamang ang kinikita.

Noong 2014, nagsimula siyang mapakilos ng mga kasamang hukbo bilang pasa-bilis hanggang sa naging aktibo na siya bilang pultaym na organisador ng Kabataang Makabayan noong 2016. Inialay niya ang kaniyang husay sa pagpropropaganda upang mapangahas na magpalawak sa mga paaralan at komunidad ng mga kabataang magsasaka. Ginamit niya ang talento sa gawaing pangkultura sa paglahok sa mga dula, kilos-galaw at maging sa paglikha ng mga rebolusyonaryong awit.

Pagtuntong ng 18 taong gulang noong 2017, puno ng pananabik siyang sumampa bilang pultaym na Pulang mandirigma. Sa loob ng yunit ay ipinamalas niya ang mabilis na pag-unlad at pagkatuto sa iba’t ibang larangan ng gawain. Pangarap niyang maging Pampulitikang Instruktor (PI) at hindi malayong matupad iyon dahil sa kanyang husay.

Kasama ng walong iba pa, namartir siya sa isang labanan sa Sityo Barat, Barangay Burgos, Carranglan, Nueva Ecija noong Setyembre 2017.