Ka Eddik_Eduardo Serrano

Eduardo Serrano (Ka Eddik)

62, June 20, 1953 - Jan. 8, 2016

Buong-puso at walang pag-iimbot na inialay ni Eduardo Serrano (Ka Eddik) ang 44 taon ng kanyang buhay at diwa bilang rebolusyonaryong edukador at organisador. Namartir si Ka Eddik sa Philippine Heart Center sa Quezon City noong Enero 8, 2016 sa edad na 62. Ipinanganak siya sa Oas, Albay noong Hunyo 20, 1953.

Sa kanyang pagkamatay, si Ka Eddik ay kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon sa Southern Tagalog at konsultant ng NDFP para sa usapang pangkapayapaan.

Sa kanyang kabataan, simula noong 1971, ay lumahok siya sa pambansa-demokrtikong pakikibaka. Si Ka Eddik ay sumapi sa Kabataang Makabayan (KM) noong Abril 1971 at nahirang na pangalawang tagapangulo ng balangay ng KM sa UPLB mula Enero 1972 hanggang sa pagdeklara ng batas militar. Sa maagang bahagi ng 1980, una siyang kumilos sa hanay ng masang magsasaka at BHB sa hangganan ng Quezon at Bikol. Noong 1983, ipinadala siya sa isla ng Mindoro kung saan nagsilbi siyang kalihim ng Komite ng Partido sa Isla ng Mindoro kalaunan.

Inaresto siya noong Mayo 2, 2004 sa kabila ng hawak niyang Dokumento ng Pagkakakilanlan na nagsasaad na siya'y konsultant sa usapang pangkapayapaan. Sinampahan siya ng mga gawa-gawang kasong kriminal. Umabot sa 11 taong nakakulong si Ka Eddik, isa sa pinakamatagal sa kasaysayan ng Pilipinas hanggang sa siya ay namartir.