Carlo Laguinto (Ka RB)

22, Sept. 20, 2017

Si Carlo Laguito (Ka RB) ay lumaki sa lungsod ng Maynila. Siya ay nagmula sa uring manggagawa na nagtrabaho bilang manggagawa sa konstruksyon at pabrika ng Kentex. Tulad ng maraming kabataan sa maralitang lungsod, ang kaniyang kapusukan ay nagtulak sa kaniyang sumali sa gang kung saan siya nasangkot sa iba’t ibang lumpen na gawain.

Ngunit ang mga ito ay puspusan niyang binaka sa sarili mula noong siya ay namulat. Una siyang lumahok sa kilos-protesta taong 2004 noong maglusad ng karaban ang Anakpawis sa pinangyarihan ng Hacienda Luisita Masaker sa Tarlac. Dito siya unang namulat sa aping kalagayan ng mga magsasaka. Taong 2017 na siya muling aktibong kumilos sa pag-oorganisa ng mga manggagawa bilang kasapi ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Hindi nagtagal ay nabuo ang kaniyang kapasyahan na sumampa sa BHB. Sa loob ng yunit ng hukbo ay lalo pang napuspos ang kaniyang pagpapanibagong-hubog upang makawala sa bulok na kulturang kaniyang kinasanayan. Nagsilbi siyang guro ng mga hukbo sa numerasiya. Siya ay larawan ng isang kabataang iwinaksi ang pagka-makasarili at ang bulok na kultura upang maging sundalo ng inaapi.